Mga kwentong Marawi siege

Post Reply
kidlat_tahimik
Senior Member
Posts: 270
Joined: Mon Feb 08, 2010 10:51 pm

Mga kwentong Marawi siege

Post by kidlat_tahimik » Fri Jun 30, 2017 10:33 am

Heto po ay hango sa blog ni col. Harrold cabunoc
Share ko po para mabasa ng lahat kung gaano kaano katikas ang ating mga rangers

Mag-alas onse na noon ng gabi ng sya at nabigyan ng isang mahirap na misyon. “Sunduin mo si Lt Morales sa casualty collection point para madala sa ospital. Malubha ang kanyang kalagayan,” sabi ng Operations Officer.

Sa hapon na iyon ay na-monitor nya ang impormasyon na naglabasan ang mga armadong grupo sa mismong syudad at inokupa nito ang mga matataas na buildings. Ang mga Maute ay namataang may bitbit na scoped rifles, rocket-propelled grenades, at machineguns.

Sa kinakaharap na armadong pwersa at sa urban terrain na control nito, alam nya na kulang ang kanyang tropa na lulan sa dalawang armored vehicles, and Commando V150 at Simba (SFV).

Naalala nya ang kanyang pamilya, ang kanyang dalawang mga anak na sina Angie, 11, at Alex, 6. Naiintindihan din nya na merong pamilya na nag-aantay kay Lt Morales kaya kailangang masagip sya sa tiyak na kapahamakan. Dahil dito, naging sentro sa kanyang isipan ang tulungan si Lt Morales kahit alam nya na makikipagsugal din sya kay Kamatayan.

Binigyan nya ng detalyadong mission briefing ang kanyang mga kasamahan, at tinalakay nila ang contingency plans. Taimtim silang nanalangin at nilisan ang kampo dakong alas-onse ng gabing iyon.

Mainit na pagsalubong

Lulan ng isang Commando Vehicle at Simba Vehicle, tinahak nila ang kalsada patungo sa Marawi City. Tinatawid nila ang Banggolo bridge nang pinaulanan sila ng automatic fires at pinaputukan ng rocket propelled grenades. Sa lagabog at kalansing ng mga punglo na tumatama sa kanyang sasakyan, nanariwa sa kanya ang kanyang baptism of fire sa Butig, Lanao del Sur iilang taon lang ang lumipas.

“Return fire!”. “Bypass!” Isinigaw nya ang kanyang commands at ipinaabot din ito sa sumusunod na vehicle sa pamamagitan ng tactical radio. Habang umusad sila papunta sa syudad ng Marawi, iilang improvised bombs ang pinasabog sa kanilang vehicles ngunit walang napuruhan sa kanila.

Kinontak ni Lt Alvarez sa tactical radio ang opisyal ng 49th IB para sa gagawing link-up operation. Si 1st Lt Ray Acosta, ang nakausap nya sa kabilang linya.

“Ang pinaka-reference mo sa location namin ay ang trak na nakaharang sa daanan. Abangan namin kayo,” sabi ni Acosta.

Itinuloy nila ang pag-advance pagkatapos malampasan ang stronghold ng kalaban hanggang sa may nakita silang nakahambalang na trak sa daanan. Ang problema, umuulan na bala ang sumalubong sa kanila. Binagbagan kaagad ng kanyang gunner ang pwesto ng mga armadong grupo kaya napasigaw si Lt Alvarez.

“Cease fire! Mga kasama natin iyan!”

Samantala, si Sgt Waoy na syang driver at nakakakita sa mga hitsura ng nailawan na mga armado ay sigurado na terorista talaga ang nang-ambush sa kanila.

“Kalaban na talaga ito sir! Cpl Lumbay, continue firing!”

Di nagtagal sa kanilang pakipagpalitan ng putok ay niyanig ang Commando vehicle ng pagsabog. Tinamaan sila ng Rocket-propelled grenade!

Puwing mula sa mga alikabok, makapal na usok, at kalawang ang inabot nila. Marami ang may tama sa kasamahan niya sa loob ng armored vehicle.

“May tama ako sir!”

Tuloy ang pamumutok sa kanila at merong mga kasunod na RPG fires. Nakita nyang nakahandusay na si Private Purlas. Patay na ito nang pinulsuhan nya. Nang inusisa nya ang mga kasamahan, isa lang ang walang tama.

Tumawag sya sa Simba vehicle para ma-sustain ang supporting fires mula sa likuran.

“Cpl Parel, tuloy ang putok sa pwesto ng mga kalaban!” Nag-maneuver ng mas magandang position ang driver ng Simba na si TSg Santos at pinaulanan nila ng bala ang mga terorista na nasa mga konkretong pwesto. Napatay nila ang ilang sa naabutan ng Cal 50 M2 ball rounds.

Sa kasagsagan ng putukan, tinamaan uli ang Commando vehicle na syang dahilan para ito ay tumirik. Di na ito makaalis sa posisyon at ang kanyang Cal 50 machinegun ay nakatutok na lamang sa eastern direction. Doon sya nagdesisyon na lumabas para idepensa ang mga vehicles mula sa nakapaligid na buildings.

“Dismount tayo, maiwan ang driver at gunners para mag-base of fire!”

Tinawagan din nya sina Tsg Santos na nasa Simba vehicle upang bigyan din ng kaparehas na instruction.

“Maiwan kayo ni Cpl Parel, ang ibang tropa ay maghati-hati ng posisyon para makakuha ng mga buildings sa lahat na north, south, west at east.”

Kasama ang mga sugatan na kaya niyang hilahin palabas, tinakbo ni Lt Alvarez ang isang bahay para gamiting cover. Si Pvt Cabonitas ay di na kayang makalakad dahil sa naputol ang kanyang paa, kaya tinalian nila ito para mahinto ang bleeding at binigyan ng first aid treatment. Pinilit din nito na makakuha ng defensive position sa labas para makasuporta sa pagbigay ng cover fire sa grupo ni Lt Alvarez.

Habang nakikipagputukan ang mga armored vehicles sa labas, ginamot at pinapataas nya ang morale ng mga sugatan na kasama. Apat sa kanila ay natamaan sa mata ng shrapnel. Si Pfc Martin ay nabulag ang dalawang mata. Si Pfc Rebuca at Pvt Balasico ay natamaan ang isang mata. Samantala, kinuha ni Pfc Valencia ang medical kit sa loob ng vehicle para gamutin ang mga sugatang kasamahan.

Sa buong madaling araw ng May 24, nakipagbarilan sila sa mga terorista. Napansin nya ang mga laser aiming devices ginamit ng mga kalaban na tila ay hinahagilap ang kanilang silhouette sa pinagtataguan.

Nakita rin nya ang mga sibilyan sa mga bahayan na ayaw pang lisanin ang lugar. Nahahabag sya sa takot ng mga iyon sa gitna ng putukan na nagaganap. Pinatago nya sila sa mas magandang pwesto. Minabuti ni Lt Alvarez na makapagbigay kanyang grid location at humingi ng reinforcement para sa MEDEVAC ng kanyang mga casualties.

Sa kanyang pakikipag-usap sa kanyang Battalion Commander na si Lt Col Goyena, pinapatatag nito ang kanilang kalooban: “Kapit lang kayo, makakarating din ang reinforcements dyan. Papunta na sila sa Banggolo Bridge!”

Napabuntong-hininga sya sa narinig dahil alam nya ang tindi ng pwersa na nakaabang sa lugar. Malaking balakid ang mga kalaban na nakapwesto sa matataas na buildings at sa paligid ng tulay na iyon.

Nang lumiwanag, humupa ang putukan at napansin nya ang pagdagsa ng mga sibilyan sa kanyang pwesto.

“Sir, tulungan nyo po kami. Gusto naming makaligtas mula sa nagliliparang bala dito,” sabi ng isang babae na tangay ang kanyang maliliit na mga anak. Lubos syang naawa sa mga ito kaya itinuro nya ang direksyon ng 49th Infantry Battalion upang doon sila makakuha ng mas ligtas na pwesto.

Nagkaroon ng lull sa putukan sa umaga na iyon. Kinuha nya itong oportunidad para maka-reposition ng mas magagandang sector sa mga buildings ang kanyang mga tauhan.

Nang nilapitan nya si Pvt Cabonitas, nagmamakaawa itong humingi ng tubig. “Sir, pahingi naman ng tubig!” Nilapitan nya ito para basain lang ng tubig ang labi nito.

“Masama para sa iyo ang uminom ng tubig. Laban lang tayo at paparating na ang reinforcements!”

Pagkabalik nya sa kanyang pwesto, pinagsaing nya ang tropa ng kanin. Gutom na gutom na sila sa panahon na iyon. Na-monitor nya sa tactical radios na dumadami ang casualties ng reinforcing troops sa Banggolo Bridge, lalo na ang mga miyembro ng SR Class 200 na sumugod para tulungan sila. Alam nyang matatagalan pa ang pagsundo sa kanila.

“Tuloy lang ang laban. Bantayan nyong mabuti ang sector nyo,” utos ni Lt Alvarez sa kanyang tropa.

Bandang alas diyes, nabalitaan nya na nakahandusay na si Pvt Cabonitas sa kanyang pwesto. Di na nya nakayanan ang sobrang hirap dahil sa kanyang tama.

Buong maghapon, inikot nya ang pwesto ng kanyang tropa. Nakahanap din sya ng helicopter landing zone (HLZ) sa isang solar drier na di kalayuan sa kanilang pwesto. Sa araw na iyon, naging abala rin sya sa pagtulong sa mga tao na nagsipaglikas sa lugar.

May 25 (Nabuhay ang 'patay')

Mga 5:00am ng May 25, nakita nya ang isang matanda na naglalakad na may gamit na tungkod. Namumukhaan nya ito dahil mga 25 metro lamang ang layo nito mula sa kanyang pwesto. Napansin nyang itinuturo ng matanda ang direksyon ng bodega na katabi ng building na tinaguan nya. Di nagtagal ay sinundo ito ng isa pang lalaki na nakasuot ng malong. Dahil sa tingin nya ay ordinaryong sibilyan ang mga ito, hindi nila ito pinaputukan. Ngunit, nang makaalis ang matanda, niratrat uli ng mga armadong grupo ang kanilang pwesto bandang 6:30am!

Humigit kumulang sa 50 na terorista ang lumusob sa kanila ngunit maganda ang mga pwestong building ang nakuha ng tropa ni Lt Alvarez. Paisa-isa nilang nababaril ang mga kalaban na nasa kalsada. Patuloy din ang pakikipaglaban ng dalawang armored vehicles na nasa kalsada.

Sa hapon ng May 25, nauubusan ng bala ang Simba, at sobrang nanlupaypay sa pagod at gutom si Tsg Santos, ang driver nito. Ganon pa man, tinakbo ni TSg Santos ang Commando vehicle para kumuha ng bala doon. Sa kasamaang palad, tinamaan sya ng bala nang paakyat muli sa Simba, ngunit tumuloy ito para i-maneho ito. Napa-jockeying pa ni TSg Santos ang sasakyan para makaputok ang gunner na si Cpl Parel, hanggang huminto na ito ng nalagutan sya ng hininga.

Nang magkaubusan uli ng bala ang Simba, lumabas si Cpl Parel para kumuha ng bala mula sa Commando vehicle, ngunit tinamaan din sya at napilitang gumapang sa ilalim nito. Nakita ni Lt Alvarez na hindi na ito gumagalaw.

Sa loob ng Commando, patuloy ang pakikipagputukan ng gunner na si Cpl Lumbay. “Ayaw nya talagang iwanan ang namatay na tropang sina Pvt Cabonitas at Pvt Purlas,” salaysay ni Lt Alvarez.

Si Sgt Waoy naman ay lumabas din sa Commando at kinuha ang east sector para doon magdepensa. Kahit mag-isa, nagawa nitong paatrasin ang nagtangkang lumapit sa kanilang sasakyan na nasa open terrain.

“Ang problema ni Lumbay ay hindi na nya maiikot ang Cal 50 machinegun dahil nasira ito kaya napilitan itong tumakbo papunta sa Simba para gamitin ito sa pakikipaglaban,” dagdag pa ni Lt Alvarez.

Kinagabihan, naulinigan ni Cpl Lumbay na merong kumakatok. Noong una inakala nya itong kalaban ngunit napansin nyang marunong itong kalikutin at buksan ang lock ng pinto.

“Nagulantang si Cpl Lumbay nang Makita nyang si Cpl Parel ang pumasok sa Commando. Buhay pala sya,” sabi ni Lt Alvarez. “Natuwa si Cpl Lumbay dahil nagkaroon sya ng ka- buddy sa pagdepensa ng kanilang sasakyan at mga kasamahan.”

Habang nagmo-monitor sa radio mga alas kuwatro ng hapon, nabalitaan ni Lt Alvarez ang paparating na tropa ng 44th Infantry Battalion at 15th Infantry Battalion. Nang i-plot niya ang GPS location ng mga reinforcements, nasa bandang 50 metro na lang sila. Kinausap nya uli ang tropa at pinasaya sila.

“Ayan, nasa tabi na lang natin ang reinforcements. Sige, maghanda na tayo na salubungin sila para madala na kayo sa ospital!”

Tumindi ang palitan ng putok sa pwesto ng 44th IB at 15th IB na ikinasugat ng ilan sa mga tropa nito. Nagpasya ang opisyal nito na i-suspend ang pag-rescue sa kanila dahil sa tindi ng resistance mula sa mga terorista.

Patagal nang patagal ang labanan, dumagsa ang maraming kaaway mula sa north sector. Pinaulanan nila ng RPG at tinatapunan ng Molotov cocktails ang bahay na pinagpwestuhan ni Lt Alvarez.

“Sa isang iglap, nakita naming nagliyab na ang mga kutson na naging mitsa na masunog ang bahay. Tumakbo kami pababa ngunit nasusunog na rin ito. Inakay ko ang mga sugatan papunta sa CR dahil di na naming matiis ang paglanghap ng usok,” sabi ni Lt Alvarez.

Tinangka ni Lt Alvarez na apulahin ang apoy ngunit tuloy-tuloy ding niraratrat ng mga kaaway ang kanilang pwesto kaya doon sila sa nagpaikot sa may drum ng tubig, ang kanilang huling pag-asa na mabuhay sa loob ng nasusunog na bahay. Nagbasa sila ng mga tela at damit at ginamit itong panangga sa apoy at usok sa iilang oras na nagliliyab ang buong bahay.

Mga bandang 7:00pm nang nagpasya siyang akayin ang mga sugatang kasamahan pabalik ng second floor. Sa kanyang assessment, mas madali nilang madepensa ang posisyon nila kapag don sila magpwesto sa ikalawang palapag, dahil hindi sila napuputukan ng mga kalaban na nasa ibaba. Kinakapa nya ang kanyang mga kasamahan para ma-account sila bago nya ito inakay paakyat sa hagdan.

“Ang problema namin, dahan-dahang bumabagsak ang mga baga mula sa kisame na kasusunog. Napapaso kami ngunit kailangan naming itong tiisin kaysa ulanin kami ng M203 rounds at RPG,” sabi nya.

bonggay
Senior Member
Posts: 279
Joined: Wed Feb 24, 2010 10:47 am

Re: Mga kwentong Marawi siege

Post by bonggay » Mon Jul 10, 2017 12:32 pm

Mabuhay ang ating magigitng at matitikas na sundalo kaisa nyo kami
Mga sir you are the true heroes of the filipino peoples!👍

Post Reply

Who is online

Users browsing this forum: Bing [Bot] and 1 guest